Akala ko ito na ang “The One.” Si Clarisse. Ang babaeng amoy Vanilla Lace habang ako naman ay amoy Tabang at Ginisang Bagoong.
Todo porma ako kanina, naka-gel ang buhok kahit hiram lang kay utol at bagong plantsa ang uniform.
Nang dumating ang lunch break, doon na nagka-bulilyaso ang lahat.
Dahil wala kaming Tupperware at nagmamadali si Nanay kanina, inilagay niya ang mainit-init pang kanin at dalawang pirasong tuyo sa Plastik Labo. Alam mo ‘yun? ‘Yung supot ng yelo na pinilit maging lunch box.
Doon ako sa sulok ng room pumuwesto, ‘yung malapit sa electric fan para hindi masyadong kumalat ang “perfume” ng ulam ko.
Sinimulan ko nang buksan ang selyo ng plastik nang biglang sumulpot si Clarisse sa harap ko.
”Hey, Gab! What are you eati—”
Napatigil siya. Parang nag-slow motion ang paligid. Nakita niya ang hawak ko… Isang transparent na supot na puno ng kanin na nagmo-moist, at sa loob nito, ang dalawang tuyo na parang nakatingin din sa kanya.
”Is that… a plastic bag?” tanong niya, na para bang nakakita siya ng alien.
”Ah, oo. Eco-friendly ‘to, Clarisse. Disposable,” biro ko, kahit nanginginig na ang tuhod ko.
Huminga siya nang malalim. “You look like a pat4y-gutom, Gab. I mean, so cheap? How can I date someone who eats like he’s in a survival show? Nakakahiya ka.”
Iniwan niya akong tulala. Ang sakit, p’re. Mas masakit pa sa tusok ng tinik ng tuyo sa lalamunan. Doon na tomolo ang loha ko diretso sa loob ng plastik labo.
Habang nagda-drama ako at hinahalo ang loha ko sa kanin (instant sabaw!), lumapit sa akin si Jing-Jing, ‘yung kaklase naming laging may dalang extra na saging.
”Oh, bakit ka naiyak? Sayang ‘yang tuyo, paborito ko ‘yan!” sabi niya habang umuupo sa tabi ko.
”Binasted ako, Jing. Mukha daw akong p4tay-gutom dahil dito sa plastik,” hikbi ko.
Kinuha ni Jing-Jing ang kanyang bonggang Lock & Lock na baunan. Binuksan niya ito at tumambad ang… Champorado.
”Tanga non,” sabi ni Jing-Jing sabay abot ng kutsara sa akin.
“Masarap kaya i-partner ang tuyo sa champorado ko! Akin na ‘yang plastik mo, dito natin ilagay sa takip ng baunan ko. Hati tayo.”
Natutuna ko Huwag kang iiyak sa harap ng babaeng plastik ang ugali maghanap ka ng babaeng handang makisawsaw sa tuyo mo.
At si Jing parang siya yung babaeng dapat noon pa lang nagustuhan ko na kesa kay Clarisse.
Pinanood ko si Jing-Jing habang masayang nilalagay ang tuyo ko sa ibabaw ng kanyang Champorado. Wala siyang pakialam kung kumapit ang amoy sa buhok niya o kung makita siya ng ibang kaklase naming kumakain sa takip ng baunan.
Sa bawat subo namin, unt-unting natutuyo ang mga luha ko. Nakakatawa dahil ang kanin at tuyo na naging dahilan ng pagkapahiya ko kay Clarisse, iyon din pala ang magiging tulay para makilala ko ang totoong ginto sa loob ng classroom.
“Alam mo, Gab,” sabi ni Jing habang nginunguya ang tuyo, “ang pag-ibig, hindi ‘yan parang ulam na kailangang laging sosyal. Ang mahalaga, busog ang puso mo at hindi ka kinakahiya kahit sa plastik labo lang nakalagay ang pangarap mo.”
Napangiti ako. Tumingin ako sa direksyon ni Clarisse na kasalukuyang nagpapaganda sa harap ng salamin, mukhang perpekto pero ang lamig ng tingin. Pagkatapos ay binalingan ko si Jing-Jing—simple, bungisngis, at amoy tsokolate na may halong tuyo.
Doon ko napagtanto na ang plastik labo na kinalalagyan ng baon ko ay mas totoo pa kaysa sa nararamdaman ko kay Clarisse. Ang plastik labo, transparent—walang itinatago. Gaya ni Jing-Jing.
Pagkatapos ng lunch, hindi na ako yumuko. Itinapon ko ang plastik labo sa basurahan nang may ngiti sa mga labi. Hindi dahil sa itinatapon ko na ang kahihiyan ko, kundi dahil tapos na ang yugto ng buhay ko na naghahabol sa taong tingin sa akin ay “cheap.”
Lumapit ako kay Jing-Jing bago magsimula ang susunod na subject. “Jing, bukas uli ha? Ako naman ang magdadala ng extra—itlog na maalat naman, para mas masaya ang Champorado mo.”
“Gora! Basta sa plastik labo mo uli ilagay ha? Para nostalgic!” biro niya sabay kindat.
Sa hapon na iyon, habang naglalakad pauwi, hindi na mabigat ang loob ko. Natutunan ko na hindi mo kailangang baguhin ang baon mo para lang matanggap ka ng ibang tao. Kailangan mo lang hanapin ang taong handang maki-hati sa plastik mo, masarap man o maalat ang lasa ng buhay.
Salamat, Clarisse, sa pag-basted sa akin. Dahil kung hindi mo ako tinanggihan, hindi ko malalaman na may isang Jing-Jing pala na handang mahalin ako—tuyo, plastik labo, at lahat-lahat na.