Hindi ako nakagalaw. Nakatitig lamang ako sa maliit na linyang nasa ibabang sulok ng huling slide. “Kung gusto ninyong malaman kung sino ang nagbebenta ng user data, tanungin ninyo si Mara Santos.” Parang may malamig na kamay na humawak sa batok ko. Sigurado akong hindi ko isinulat iyon. Hindi ko rin iyon nakita kagabi. Tatlong beses kong binasa ang buong file bago matulog. Tatlong beses. Kabisado ko pati ang maling kuwit sa ikalimang slide. Pero ang linyang iyon—hindi akin.
—Hindi ko po ginawa iyan.
Lumabas ang boses ko na halos pabulong. Walang sumagot. Ang dalawang security guard ay nakatayo na sa labas ng conference room. Nakasara ang pinto. Si Rafael Mercado ay nasa gitna ng silid, hingal na hingal, na para bang siya ang hinabol kahit siya naman ang unang nagtangkang tumakas. Itinuro niya ako.
—Nagsisinungaling siya.
Napatingin sa kaniya ang lahat.
—Bakit ako magsisinungaling?
—Dahil nahuli ka.
—Sa ano?
—Sa pagpasok sa kumpanya gamit ang pekeng interview.
Natawa ako nang isang beses. Hindi dahil nakakatawa. Dahil minsan, kapag sobrang takot na ng katawan, kung anu-ano na lang ang inilalabas nito.
—Dalawang oras po akong pumila sa bus, muntik pang maipit sa elevator, at halos himatayin sa reception. Kung espiya ako, napakapangit kong espiya.
Hindi ngumiti ang sinuman. Mali. Napakasamang timing. Lumapit si Rafael sa mesa.
—Gabriel, huwag mong sabihing naniniwala ka sa kaniya.
Hindi sumagot si Gabriel. Nakatayo siya sa dulo ng mahabang mesa, hawak ang cellphone, nakatingin sa file na para bang kaya niyang pilitin ang screen na umamin. Si Patricia Reyes naman ay mabilis na nagta-type sa laptop niya.
—Hindi puwedeng idagdag ang linyang ito nang walang pagbabago sa metadata.
Biglang tumigil si Rafael. Napalingon ako kay Patricia.
—Ano po?
Hindi niya ako tiningnan. Binuksan niya ang email attachment at nag-scroll sa properties.
—May editing history ang file.
Nanlamig ang mga daliri ko.
—Pero local file po iyon.
—Oo.
—Hindi ko po in-upload sa cloud.
Doon siya tumingin sa akin.
—Sigurado ka?
—Opo. Naka-save lang iyon sa laptop ko.
Lumapit si Gabriel.
—Patricia.
—Tinitingnan ko na.
Mabilis niyang binuksan ang system details. Tahimik ang lahat. Tanging tunog ng keyboard ang maririnig. Tak. Tak. Tak. Parang countdown bago sumabog ang isang bomba. Pagkaraan ng ilang segundo, kumunot ang noo ni Patricia.
—May modification timestamp kaninang 8:47 a.m.
Napatingin ako sa orasan sa dingding. 9:16 na.
—Imposible.
—Bakit?
—8:47 po, nasa lobby na ako.
—Nasaan ang laptop mo noon?
—Nasa bag ko.
—Bukas?
—Hindi po. Naka-sleep mode.
Tumayo ang operations director na si Teresa Aguilar.
—May nakakonekta bang external device?
—Wala po.
—Public Wi-Fi?
—Hindi rin po. Gumamit ako ng mobile data.
Tumawa nang malamig si Rafael.
—Napakagandang kuwento.
—Hindi po ito kuwento.
—Talaga? Isang aplikante ang dumating na may detalyadong analysis ng confidential business pattern. Pagkatapos, may lumabas na leaked financial document. Tapos may mensahe sa file na direktang nagtuturo sa kaniya.
Lumapit siya sa akin.
—Napakaraming coincidence.
Napaatras ako.
—Hindi ko alam kung sino ang gumawa nito.
—Pero alam mo ang problema ng kumpanya.
—Public reviews ang ginamit ko.
—Pati ang eksaktong registration failure rate?
—Hula po iyon.
—Hula?
Lumakas ang boses niya.
—Hinulaan mo ang confidential metric sa loob ng tatlong porsiyento?
Hindi ako nakasagot agad. Dahil kahit ako, kapag pinakinggan ko iyon, kahina-hinala nga. Pero totoo. Wala akong ninakaw. Wala akong kilala sa loob. Kahit nga ang pangalan ni Rafael ay ngayon ko lang nalaman nang tawagin siya ni Gabriel. Bumukas ang cellphone ni Teresa.
—Sir Gabriel, tumataas ang engagement ng post. May media accounts nang nagre-repost.
—Gaano kabilis?
—Mahigit animnapung libong shares. May hashtag na.
—Ano?
Nag-atubili si Teresa.
—#LakbayLeaks.
Napapikit ang finance director.
—Patay tayo.
—Hindi pa.
Kalmado pa rin ang boses ni Gabriel. Pero ngayon, mas nakakatakot iyon. Tumingin siya sa dalawang security guard sa labas.
—Walang lalabas.
Napatingin sa kaniya si Patricia.
—Gabriel—
—Walang lalabas hangga’t hindi natin nalalaman kung sino ang nagpadala ng file.
Nanlaki ang mata ko.
—Kasama po ako?
Tumingin siya sa akin.
—Lalo ka na.
Parang lumubog ang sikmura ko.
—Pero wala po akong ginawa.
—Kung wala kang ginawa, tutulungan mo kaming patunayan iyon.
—Paano?
—Buksan mo ang laptop mo.
Nakatitig ako sa kaniya.
—Ngayon?
—Ngayon.
bahagi 3 Hindi ko agad ginalaw ang bag ko. Hindi dahil may tinatago ako. Kundi dahil bigla kong naalala ang laman ng laptop. Mga draft ng application letter. Mga screenshot ng job postings. Tatlong folder na pinangalanang final, final_final, at final_final_talaga. May folder din akong “motivation” na puro memes tungkol sa pagkawala ng pag-asa. Pero higit sa lahat—may notes ako tungkol sa bawat executive na posibleng makapanayam ko. Hindi sila illegal. Nakakahiya lang. Lalo na ang note ko tungkol kay Gabriel. “Mukhang hindi natutulog. Posibleng kumakain ng interns.”
—May problema?
—Wala po.
Dahan-dahan kong kinuha ang laptop. Inilapag ko sa mesa. Nang buksan ko ang screen, lumitaw ang lock page. Ipinatong ni Rafael ang mga kamay sa mesa.
—Password.
Tiningnan ko siya.
—Hindi ko po ibibigay sa inyo ang password.
Bahagyang tumaas ang kilay ni Gabriel. Biglang nagsalita si Rafael.
—Ayan. May tinatago.
—Personal device ko po ito.
—May confidential company document ka sa personal device mo.
—Wala po.
—Patunayan mo.
—Bubuksan ko, pero ako ang magta-type.
Sumingit si Patricia.
—Tama siya. Hindi natin dapat kunin ang password niya.
Huminga ako nang kaunti. Salamat. May isang tao pa ring may alam sa boundary. Inilapit ko ang laptop. Tinakpan ko ang keyboard gamit ang kaliwang kamay. Mali ang unang type ko. Sa sobrang kaba, na-enter ko ang birthday ng nanay ko sa halip na password. Incorrect password. Tumingin sa akin si Rafael.
—Kinakabahan ka?
—Opo.
—Bakit?
—Dahil pitong executive po ang nakatingin habang nagta-type ako.
Anim lang pala. Pero hindi ko na binawi. Sa pangalawang subok, bumukas ang laptop. Lumabas agad ang desktop. At kasabay noon—isang notification ang lumitaw sa kanan. Unknown device connected successfully. Nanigas ako. Nakita rin iyon ni Patricia.
—Disconnect the Wi-Fi.
—Hindi po ako naka-Wi-Fi.
Mabilis niyang kinuha ang laptop, pero hindi niya ginalaw ang keyboard.
—Teresa, i-off ang conference room network.
Lumapit si Teresa sa wall panel. Pinatay niya ang guest Wi-Fi. Nawala ang signal icon. Pero nanatili ang notification. Unknown device connected successfully.
—Naka-Bluetooth ba?
—Off po.
Binuksan niya ang settings. Off nga. Napatingin siya kay Gabriel.
—May ibang connection.
—Ano?
—Hindi ko pa alam.
Biglang nag-flicker ang malaking LED screen sa harap. Isang beses. Dalawang beses. Pagkatapos, nawala ang presentation. Lumabas ang itim na background. May puting cursor sa gitna. Kusang gumalaw ang cursor. Walang humahawak sa mouse. Unti-unting nag-type ang mga salita. MARA, HUWAG KANG MAGSALITA. Napaatras ako. May bumagsak na baso sa sahig. Si finance director iyon. Walang gumalaw. Muling nag-type ang cursor. NAKIKINIG SILA.
—Patayin ang screen.
Pinindot ni Teresa ang control panel. Walang nangyari.
—Hindi tumutugon.
—Pull the main power.
Tumakbo ang security guard papunta sa gilid ng silid. Bago niya maabot ang switch, nagbago ang mensahe. KAPAG PINATAY NINYO ITO, IPAPADALA KO ANG LAHAT. Huminto ang guard. Natahimik ang lahat. Narinig ko ang sariling paghinga ko. Mabilis. Mababaw. Parang may nakadagan sa dibdib ko. Lumapit si Gabriel sa screen.
—Sino ka?
Walang sagot. Nag-type siya sa keyboard ng conference system. ANO ANG GUSTO MO? Ilang segundo ang lumipas. Pagkatapos, lumitaw ang sagot. ANG KATOTOHANAN. Napamura nang mahina si Rafael.
—Cheap trick.
Mabilis siyang lumapit sa wall switch.
—Rafael, huwag.
—Hacker lang ito. Tinatakot tayo.
—May access siya sa internal files.
—Mas lalong dapat putulin ang connection.
Hinawakan niya ang main power. Bago niya maibaba ang switch, biglang lumitaw sa screen ang isang larawan. CCTV footage. Mula sa loob ng elevator. Nakita ko ang sarili ko. 8:43 a.m. Nakatayo ako sa sulok, mahigpit na yakap ang bag, habang may dalawang empleyadong nag-uusap sa harap. Pagkatapos ay nag-zoom ang video sa isang lalaking nakasuot ng maintenance uniform. Nasa likod ko siya. Hindi ko man lang napansin. May hawak siyang maliit na device. Inilapit niya iyon sa bag ko nang wala pang dalawang segundo. Nag-freeze ang footage. Lumabas ang teksto. SIYA ANG NAGLAGAY NG ACCESS KEY SA LAPTOP NI MARA. Napalunok ako.
—Kilala ninyo siya?
Walang sumagot. Lumingon ako sa bawat isa. Si Patricia ay maputla. Si Teresa ay nakatitig sa screenshot. Ang finance director ay nanginginig ang mga kamay. Si Rafael lang ang hindi mukhang nagulat. Napansin iyon ni Gabriel.
—Rafael.
—Ano?
—Kilala mo ba siya?
—Hindi.
Masyado siyang mabilis sumagot. Napansin din iyon ni Patricia.
—Hindi pa niya natatanggal ang cap at mask. Paano mo agad nasabing hindi mo kilala?
Humigpit ang panga ni Rafael.
—Dahil hindi ko kilala.
—Hindi iyon ang tanong.
Tumalikod si Rafael.
—Hindi ako sasali sa paranoia na ito.
Lumabas ang panibagong mensahe sa screen. NAGSISINUNGALING SI RAFAEL MERCADO. Napatingin ang lahat sa kaniya. Namutla siya. Pagkatapos ay tumawa. Isang tuyong tawa.
—Convenient.
Nag-type muli ang hacker. 8:12 A.M. — TUMAWAG SI RAFAEL SA NUMERONG NAKAREHISTRO SA PANGALANG RENATO CRUZ.
—Hindi totoo!
8:18 A.M. — PUMASOK SI RENATO CRUZ SA BASEMENT GAMIT ANG TEMPORARY ACCESS PASS.
—Nonsense!
8:39 A.M. — NAGPALIT SIYA NG MAINTENANCE UNIFORM.
Biglang humarap si Gabriel kay Teresa.
—Check access records.
Agad binuksan ni Teresa ang tablet niya. Nag-scroll. Huminto. Nanlaki ang mga mata niya.
—May temporary visitor pass nga po.
—Kanino naka-authorize?
Hindi siya sumagot agad.
—Teresa.
—Sa office ni Sir Rafael.
Lahat ng mata ay bumaling sa kaniya. Sumigaw si Rafael.
—Hindi ako lang ang may access sa office ko! Puwedeng gamitin iyon ng assistant ko!
—Nasaan ang assistant mo?
—Hindi ko alam.
—Hindi pumasok ngayon.
Lumapit si Gabriel kay Rafael. Hindi siya sumigaw. Hindi siya nagmura. Pero bawat hakbang niya ay parang tunog ng martilyo sa kabaong.
—Bakit may lalaking gumamit ng authorization mula sa office mo para lapitan ang laptop ng isang aplikante?
—Hindi ko alam.
—Bakit tumakbo ka nang lumabas ang leaked financial record?
—Dahil crisis iyon!
—Bakit ikaw ang unang nagsabing hindi totoong aplikante si Mara?
—Dahil obvious naman!
—Obvious sa iyo, o alam mo na bago pa namin malaman?
Tumigil ang paghinga ni Rafael. Hindi siya nakasagot. Sa screen, lumitaw ang isang audio file. CALL_0812_RM_RC.wav
—Play it.
—Wait!